Dalawang local startups mula sa Northern Mindanao (Region 10) ang opisyal na umabante sa pambansang antas ng 2026 Presidential Filipinnovation Awards (PFA) matapos magwagi sa naganap na Mindanao Sub-National Competition.
Pormal na pumasok bilang finalist ang POLLD Emergency System Corporation, na bumuo ng WERT System—isang offline-resilient emergency command infrastructure na ginawa para sa mas mabilis at maayos na pagtugon ng mga lokal na pamahalaan sa panahon ng sakuna.
Kasama rin nitong umabante ang Kasaka Agriventures, Inc. para sa kanilang Automated Coconut Sap Juice Extractor, isang makabagong kagamitang naglalayong bawasan ang mabigat na manu-manong trabaho ng mga magsasaka ng niyog at pataasin ang kanilang kita.
Apat lamang na kalahok mula sa buong Mindanao ang napiling umabante sa national stage ng nasabing kompetisyon.
Binigyang-diin ni Department of Science and Technology (DOST) Region 10 Regional Director Dr. Mark Lemuel L. Garcia ang kahalagahan ng paghahatid ng mga imbensyon sa mga komunidad.
“Ang isang inobasyon ay hindi nagkakaroon ng epekto dahil lamang ito ay magaling. Nagkakaroon lamang ito ng tunay na epekto kapag nakakarating na sa mga taong nangangailangan nito,” pahayag ni Garcia sa ginanap na kompetisyon.
