Lumagpas na sa P62 laban sa isang dolyar ang palitan ng piso — ang pinakamababang antas nito sa kasaysayan.
At hindi lang ‘yan!
Ayon sa ulat ng Singapore-based research group na AMRO, inaasahang babagsak sa 3.4% ang economic growth ng Pilipinas ngayong 2026. Kasabay nito, ang inflation ay posibleng pumalo sa 5.4% dahil sa mahal na langis sa pandaigdigang merkado.
Pero bakit nga ba ganoon na lamang kadaling maapektuhan at maging vulnerable ang ating ekonomiya?
Ayon sa mga foreign economists, bukod sa krisis sa enerhiya dahil sa gulo sa Middle East, ang malaking sumasakal sa ating pag-unlad ay ang mga kapalpakan sa flood control at mabagal na paggasta sa mga pampublikong imprastraktura.
Taon-taon, bilyon-bilyong piso ang inilalaan sa flood control pero sa kaunting buhos lang ng ulan, lubog pa rin ang mga kalsada at paralisado ang negosyo. Panawagan ng AMRO sa gobyerno: ayusin ang pamamahala sa flood control at siguraduhing may malinaw at totoong resulta ang bawat pisong ginagastos mula sa kaban ng bayan.
Dahil sa P62 na palitan ng dolyar at mataas na inflation, tayong mga karaniwang mamamayan ang unang matinding nasasaktan.
Bakit?
E mas nagiging mahal ang mga angkat na bilihin, tulad ng langis, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Nagmahal ang utang at puhunan dahil itinaas na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rate sa 5% para lang pigilan ang mabilis na pagtaas ng presyo.
Mabagal ang paglikha ng bagong trabaho dahil alanganin ang mga negosyante na magpasok ng puhunan. Ang sakit sa bangs nito!
Hindi natin kontrolado ang pandaigdigang presyo ng langis, pero kontrolado ng ating pamahalaan kung paano ginagastos ang pera ng bayan. Sabi ng AMRO, kailangang ayusin ang mga structural issue sa bansa.
Kailan natin makikita ang maayos, malinis, at matibay na solusyon sa mga proyekto laban sa baha at sa mahal na bilihin?
