“I will not be the fall guy for other people’s corruption.”
Ito ang matapang na banta ni dating House Speaker Martin Romualdez noong Abril matapos siyang madawit sa multi-billion flood-control scandal. Iginiit niyang marami siyang nakita, narinig, at nalalaman tungkol sa anomalyang kinasasangkutan ng nakalipas at kasalukuyang administrasyon.
Ngayong pormal nang nasampahan ng P7.44-billion plunder case si Romualdez at naaresto na ng mga awtoridad, dumating na ang sandali ng pagsubok sa kaniyang mga salita.
Karapatan ni Romualdez ang due process at ang ituring na inosente hangga’t hindi napapatunayan sa korte. Ngunit may karapatan din ang publikong magtanong: Ano ba talaga ang kaniyang nalalaman?
Kung ang kaniyang dating pahayag ay hindi lang pampolitikang pananakot, ito na ang oras para ilatag ang ebidensya. Sino-sino ang mga tunay na utak sa likod ng manipulasyon sa flood-control projects? Paano nailusot ang mga kwestyonableng pondo? At gaano kalalim at kalawak ang anomalya sa infrastructure spending ng bansa?
Ang bilyong-bilyong pisong nawala ay pondo ng bayan na dapat ay nagpoprotekta sa mamamayan laban sa baha. Ilang buwan nang nakikinig ang publiko sa panunumbat at akusasyon; ang kailangan ngayon ay malinaw na ebidensya at pananagutan.
Hindi nararapat para sa isang pampublikong opisyal na magbanta ng pagsisiwalat kapag naipit sa politika, ngunit mananahimik naman kapag dumating na ang opisyal na imbestigasyon. Kung mananatili siyang tahimik, lalabas na ang kaniyang mga salita ay walang batayan at purong retorika lamang.
Sa kabilang banda, dapat ding tiyakin ng gobyerno na iginagalang ang kaniyang mga karapatan at hindi gagamitin ang kaniyang detensyon upang busalan siya. Ang katotohanan ay dapat lumabas, sino man ang masaktan o makinabang na kampo.
May malalaki pa raw na tao sa likod ng flood control scandal at sinabi ni Romualdez na ayaw niyang maging fall guy.
Ngayon ang panahon para patunayan niyang may sapat siyang lakas ng loob at totoong ebidensya para iswalat ang katotohanan.
Naghihintay ang sambayanan.
