HINDI galing sa Malacañang ang mungkahi na pag-ambagin ng tig-P170,000 ang bawat Pilipino upang mabayaran ang lumolobong utang ng bansa.
Ito ang mariing paglilinaw ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro kasunod ng kontrobersyal na suhestiyon ni Senador Alan Peter Cayetano hinggil sa P19-trilyong pambansang utang.
Ayon kay Castro, tila pinalalabas ni Cayetano na ang kasalukuyang administrasyon ang may kagagawan ng kabuuang P19 trilyon, gayong halos P13 trilyon nito ay minana lamang mula sa nagdaang administrasyon, kabilang na ang kontrobersyal na P50-milyong kaldero na ginamit noong SEA Games.
BASAHIN: PETISYON KONTRA PAG-ARESTO KAY DIGONG, IBINASURA NG KORTE SUPREMA
Ipinaliwanag ng opisyal na ang mga bagong inutang ng gobyerno ngayon ay napupunta sa agarang pagtugon sa sunod-sunod na kalamidad gaya ng bagyo, lindol, at El Niño, pati na rin sa pagbibigay ng ayuda sa mga naapektuhang mamamayan at local government units (LGUs).
Giit pa ni Castro, sa halip na ipasa sa balikat ng mga ordinaryong Pilipino ang pagbabayad ng utang, mas nararapat umanong habulin at singilin ang mga umamin at nasangkot sa pagnanakaw ng pondo ng bayan noong nakaraang administrasyon.
