Tuluyan nang ibinasura ng Korte Suprema (SC) ang mga petisyon ng habeas corpus na kumukwestiyon sa pag-aresto at pagkulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa botong 9-4 ng SC En Banc na isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao, idineklarang moot and academic o wala nang saysay ang pinagsama-samang petisyon na inihain ng kanyang mga anak na sina Sebastian, Veronica, at Paolo Duterte.
Paliwanag ng Kataas-taasang Hukuman, hindi na maaaring ipatupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ dahil nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo.
Samantala, naka-official business naman si Associate Justice Samuel Gaerlan nang isagawa ang botohan.
Matatandaang inihain ng magkakapatid na Duterte ang petisyon isang araw matapos dalhin sa The Hague ang kanilang ama noong nakaraang taon upang kwestyunin ang legalidad ng pag-aresto rito nang walang lokal na warrant at ang umano’y pagsuko sa kanya sa isang dayuhang hukuman.
Sa hiwalay na ulat kaugnay ng kaso sa ICC, mahigpit na tinutulan ng depensa ni Duterte ang hiling ng prosekusyon na gawing closed-door o sarado sa publiko ang ilang pagdinig at gumamit ng mga alyas para sa halos 80 porsyento ng mga testigo.
Ayon kay defense counsel Peter Haynes, sisirain umano ng sobrang paglilihim ang patas na proseso at ang tiwala ng publiko sa paglilitis.
Iginiit naman ng mga abogado ng mga biktima ng drug war na kailangan ng proteksyon ang mga testigo, lalo na ang mga nakatira sa balwarte ni Duterte sa Davao, dahil sa banta sa kanilang seguridad at posibleng pagtatakwil sa komunidad.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.
