Nagsama-sama ang mga fur parents at animal welfare advocates sa isang pet walk sa Quezon Memorial Circle nitong Martes upang ipanawagan ang mas mahigpit na batas na magpoprotekta sa mga hayop.
Pinangunahan ng Akbayan Party at Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang nasabing aktibidad sa gitna ng sunod-sunod na ulat ng kalupitan, pagpapabaya, at walang habas na pagtatapon ng mga patay na aso at pusa, partikular na sa lalawigan ng Bulacan.
Layunin ng pagtitipon na kalampagin ang Kongreso upang agad na ipasa ang panukalang Animal Life Advocacy and Guardianship (ALAGA) Act o House Bill No. 11495, na inihain ng Akbayan Reform Bloc sa Kamara.
