Itinanghal na kampeon ang Marikina City Environment Management Office (CEMO) sa katatapos lamang na “Padyak Papasok: Bike-to-Work Challenge” matapos makapagtala ng pinakamaraming bilang ng mga empleyadong regular na nagbisikleta papasok sa trabaho.
Sa loob ng siyam na buwang kompetisyon na ginanap sa Marikina City Hall, nanguna ang CEMO sa dami ng mga kawaning nakiisa sa programa at nag-uwi ng P20,000 cash prize.
Bukod sa CEMO, kinilala rin bilang mga nagwagi sa nasabing hamon ang School Repair and Management Group at ang City Engineering Office.
Unang inilunsad ni Mayor Maan Teodoro noong Marso 16 ang “Padyak Papasok” upang hikayatin ang mga kawani ng pamahalaang lungsod na gawing bahagi ng kanilang pang-araw-araw na pagbiyahe ang pagbibisikleta.
Layunin ng inisyatibong ito na isulong ang isang mas malusog, mas matipid, at makakalikasang paraan ng pagko-commute sa lungsod.
