Kasado na ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan ng Cainta upang paghandaan ang posibleng epekto ng ‘Very Strong’ El Niño, kasabay ng panawagan ni Mayor Kit Nieto sa mga residente na makiisa sa pagtitipid ng tubig.
Sa panayam ng PaMaMaRiSan-Rizal Press Corps, ipinaliwanag ni Nieto na nakahanda na ang mga sistema ng munisipyo, kabilang ang pagsala o filtration sa mga posibleng mapagkukunan ng tubig sa bayan.
“The systems are all there. The filtration of our possible water sources are there. The magnitude is something that we cannot predict for now, but I guess nandoon naman lahat yung awareness kung paano gumagalaw ang ating disaster response team just to inform people of what you’re supposed to be doing,” pahayag ni Nieto.
Binigyang-diin din ng alkalde na malaking tulong ang agarang pakikipagtulungan ng mga mamamayan sa pagbabantay at pag-uulat ng mga tagas o leaks sa linya ng tubig upang maiwasan ang pag-aaksaya.
“How we should be conserving water, how we should cooperate in informing the authorities regarding possible mga leaks—na alam niyo minsan mas marami pa nga yung natatapon kaysa sa ginagamit eh,” dagdag pa ng alkalde.
Hinikayat din ni Nieto ang bawat taga-Cainta na makiisa sa pambansang layunin ng pangangalaga sa likas na yaman upang hindi lubhang maapektuhan ang bayan sakaling tumindi ang tagtuyot.
“If you can just be in consonance with the national intention of preserving whatever we have and brace ourselves to the calamity, malaking bagay na iyon na makita natin na conscious effort from each one of us to make sure that all these resources that we have right now won’t be drastically affected by the El Niño phenomenon,” pagtatapos ni Nieto.
Ayon sa pinakahuling abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kasalukuyang nararanasan sa tropical Pacific ang isang “Very Strong” El Niño na posibleng umabot sa rurok nito bago matapos ang 2026 at inaasahang tatagal hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Dahil dito, nagbabala ang state weather bureau ng mas mababa sa normal na pag-ulan at mas tuyong panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kaya’t hinihimok ang mga lokal na pamahalaan at publiko na magpatupad ng agarang hakbang sa pagtitipid ng tubig.
