Ipinaliwanag ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ang pagtaas ng singil sa kuryente ngayong Nobyembre 2026 ay bunsod ng sabay na pagbaba ng suplay mula sa mga nagkaaberyang planta at bahagyang pagtaas ng demand noong Oktubre.
Ayon kay ERC Chairperson Atty. Francis Juan, na base sa ulat ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), bumaba nang mahigit 17% ang supply margin sa Luzon dahil sa ilang plantang nagkaroon ng forced outage.
“Una po ay yung pagbaba ng supply dito sa Luzon dahil mayroong mga planta na nagkaroon din ng force outage at tumaas din yung demand ng bahagya. Kaya’t ‘yung pagbaba ng supply at pagtaas ng demand nagkasabay siya, at ito ang kadahilanan kung bakit yung supply margin ay bumaba ng mahigit 17% at ito ang nagpataas doon sa average na clearing prices sa WESM pagdating sa Luzon,” paliwanag ni Juan.
Para sa franchise area ng Meralco, nagkaroon ng dagdag na P0.48 per kilowatt-hour (kWh) sa generation charge ngayong Nobyembre, dahilan upang umakyat ito sa P10.6353 per kWh. Ayon sa pinuno ng ERC, dapat sana ay aabot sa mahigit P0.90 per kWh ang itataas nito, ngunit napababa dahil sa pakikipagnegosasyon at staggered billing ng Meralco sa mga kakontrata nitong generation companies.
Bukod sa presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), nakaapekto rin sa bayarin ng Meralco ang adjustment sa presyo ng natural gas at ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar. Samantala, mas matindi naman ang naging epekto ng paggalaw sa spot market sa ilang electric cooperatives sa Visayas at Mindanao, kung saan ang ilan ay nagpapatupad din ng staggered collection na maaaring maramdaman pa sa mga susunod na buwan.
Nagbabala rin si Juan na sa pagpasok ng El Niño, posibleng manatiling manipis ang reserba ng kuryente kung magpapatuloy ang mga hindi inaasahang pagpalya ng mga lumang planta. Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangan na magdagdag ng mga bagong power plants at energy storage systems upang masiguro ang sapat na suplay sa bansa.
“Kailangan talaga ng karagdagang capacity natin sa generation dahil kung ang ating mga existing plants ay nagkakaedad na at dumadalas yung kanilang unplanned outages, kinakailangan na may sapat tayo na pamalit na kapasidad para hindi naman magkukulang o kaya ay ninipis ang margin at magpapataas ng husto sa presyo,” dagdag ng ERC chief.
