LUNGSOD NG MARIKINA — Pormal nang binuksan sa publiko ang taunang 2026 Marikina Christmas Shoe Bazaar sa pamamagitan ng isang grand opening at ribbon-cutting ceremony na ginanap sa Marikina Freedom Park noong Nobyembre 13, 2026.
Pinangunahan ang seremonya nina Marikina City Mayor Maan Teodoro, 1st District Representative Marcy Teodoro, at Vice Mayor Del De Guzman, kasama ang iba pang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.
Bilang bahagi ng pagsuporta sa lokal na industriya ng sapatos at pagbibigay-benepisyo sa mga lingkod-bayan, makakakuha ng 10% discount ang lahat ng empleyado ng gobyerno sa kanilang mga bibilhing sapatos sa bazaar. Kinakailangan lamang nilang magpakita ng kanilang valid government ID upang ma-avail ang nasabing diskwento.
Tampok sa bazaar ang iba’t ibang de-kalidad at matitibay na sapatos na gawang-Marikina, na abot-kaya para sa nalalapit na kapaskuhan. Tatakbo ang 2026 Marikina Christmas Shoe Bazaar mula Nobyembre 13, 2026 hanggang Enero 10, 2027 sa Marikina Freedom Park.
