P*TAY ang 14-anyos na binatilyo matapos tamaan ng bala sa noo sa nangyaring riot ng mga kabataan sa Caloocan City.
Batay sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naganap ang insidente ng riot ng mga kabataan ala-1:50 ng Biyernes ng madaling araw sa kahabaan ng C3 Road Railway, Brgy. 49.
Nakarating lang sa kaalaman ng Caloocan Police ang insidente nang tumawag sa police station ang security personnel ng Caloocan City Medical Center (CCMC) at ipaalam na may menor-de-edad na isinugod sa kanilang pagamutan matapos magtamo ng tama ng bala sa noo.
Ayon naman sa inilabas na ulat ng Caloocan Police Station, natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng walong indibiduwal na kabilang sa grupong sangkot sa insidente, kabilang na ang ang suspek na umano’y gumamit ng improvised pen gun na naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Patuloy anila ang isinagawa nilang malawakang operasyon at intelligence driven manhunt upang matunton ang kinaroroonan ng mga suspek at maisa-ilalim sa kostodiya ng batas. JUVY LUCERO
