Ibinunyag ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na hindi kasali ang Department of National Defense (DND) sa kasalukuyang negosasyon para sa binubuong South China Sea Code of Conduct (COC) sa pagitan ng ASEAN at China.
Nilinaw ni Teodoro na tanging ang mga foreign affairs ministers at secretaries pa lamang ang may hawak sa mga diskusyon, kaya’t wala siyang ideya o batayan upang kumpirmahin ang naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nasa 85 hanggang 90 porsyento nang tapos ang naturang kasunduan.
“Actually, hindi kami kasama sa proseso na ‘yan. Tanging mga foreign affairs ministers at secretaries lamang at ang mga diskusyon dito ay nasa kanila pa lamang at hindi pa ito isine-share sa amin,” ani Teodoro.
Dagdag pa ng kalihim, kahit magkaroon pa ng pinal na kasunduan, hindi pa rin nakasisiguro ang Pilipinas na susundin ito ng China lalo’t binalewala na nito noon ang 2016 Arbitral Ruling. Kaya naman iginiit niya na ang pinakamabisang panangga ng bansa ay ang patuloy na pagpapalakas ng sariling depensa upang hindi maging “inviting target” ng mga katunggali.
Nagbabala rin si Teodoro sa bagong tayong airstrip ng China sa Antelope Reef sa Paracels, na aniya’y nagpapalawak sa kontrol ng Beijing sa South China Sea at nagbabanta sa freedom of navigation sa rehiyon.
Samantala, ibinalita rin ng kalihim ang pag-usad ng USD 400-milyong grant at USD 2-bilyong Foreign Military Financing loan mula sa Estados Unidos kasunod ng pagbisita ni US President Donald Trump.
Ipinaliwanag ni Teodoro na ang USD 400-milyong grant ay libre at walang babayaran ang bansa, habang gagamitin ang pondo para sa mga modernong kagamitan gaya ng command and control systems, cyber at AI technology, at karagdagang Chinook helicopters para sa mabilisang pagresponde sa mga sakuna.
Hinggil naman sa napaulat na tensyon sa Indanan, Sulu, tiniyak ni Teodoro na nakatutok at nakaalalay ang militar sa Philippine National Police (PNP) upang mapigilan ang anumang karahasan na nag-ugat umano sa hidwaan sa pulitika sa lugar.
