Ang 4K ng Mahalagang Kamalayan
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
NAKIKIISA ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP, itinatag 1933) sa Climate Change Commission (CCC, itinatag 2009) at sa buong bansa sa Climate Change Consciousness Week 2026 na may temang “Komunidad, Kooperasyon, at Koordinasyon Para sa Klima” tungo sa layuning Bagong Pilipinas, Bagong Bansang Matatag.
Simple lang ang punto. Ang climate change ay hindi lang baha at bagyo. Tumatama rin ito sa mga lugar na nagpapaalala kung sino tayo: Mga lumang simbahan, mga bantayog, mga heritage house, mga makasaysayang kalye. Kapag nasira ang mga ito, hindi lang gusali ang nawala. Kasama ang patunay ng pinagdaanan natin bilang bayan ay nawala rin.
Kaya para sa NHCP ay malinaw ang laban: Protektahan ang kalikasan, Protektahan ang kasaysayan. At hindi ito kaya ng pamahalaan lang. Kailangan ng komunidad na kumikilos at kooperasyon sa barangay, LGU, paaralan, at pribadong sektor. Kailangan ng koordinasyon na hindi lang pangphoto op, kundi pangmatagalan.
Ang kasaysayan na mismo ang nagturo sa atin. Noon pa man ay nabubuhay ang Pilipino dahil nagtutulungan tayo. Ngayon ay ganoon pa rin ang kailangan.
Kaya ang tanong ngayong linggo ay hindi lang: “Aware ka ba?” Ang tanong ay: “Kikilos ka ba?” Dahil sa susunod na henerasyon, hindi nila mararanasan ang kasaysayan natin kung hahayaan nating masira ito ngayon.
Kung hindi natin aalagaan ngayon ay wala na tayong ipapakita bukas. Wala na tayong maipagmamalaki. Wala na tayong babalikan.
Kilos na. Hindi bukas. Ngayon.
Para sa klima. Para sa pamana. Para sa Pilipinas.
