POSTER NG PAGDIRIWANG MULA SA NCCA
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
NGAYONG Mayo 2026 ay ipinagdiriwang ang Pambansang Buwan ng Pamana (National Heritage Month) na may temang “Roots and Horizons. Shared Heritage. Our Collective Future”.
Ang okasyon ay pangungunahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA, itinatag 1992) alinsunod sa Proklamasyon Blg. 439, s. 2003 na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (nanilbihan 2001-10) noong 11 Agosto 2003 na nagdedeklara na ang buwan ng Mayo bilang Pambansang Buwan ng Pamana.
Layunin ng deklarasyon na magkaroon ng malikhaing kamalayan at pagmamalaki ang bawat Pilipino tungkol sa kanilang kultural na pamana. Gayundin ang hikayatin na pangalagaan at pagpreserba ng mga nasasalat, nakikita o nahahawakan (tangible) at di-nasasalat (intangible) na mga pamana. Higit sa lahat upang palakasin ang pagkakaisa ng bansa sa pamamagitan ng kultura.
Nagsisilbing katuwang sa pagdiriwang taon-taon ang National Museum, National Historical Commission of the Philippines, National Library, Komisyon sa Wikang Filipino, at mga LGU.
Ngayong taon makikita sa Opisyal na Poster ang paglalarawan sa okasyon. Mapapansin na sa puso ng biswal ay ang banig – isang simbolo ng ugnayan, pagpapatuloy, at pamayanan. Katulad ng bawat hibla na maingat na hinabi, ang ating pamana ay hinuhubog ng maraming salaysay, tradisyon, at pagkakakilanlan na nag-uugnay sa atin bilang mga Pilipino sa bawat henerasyon.
Napapalibutan ng iba’t ibang pamayanan na nagpapaalala na ang pamana ay para sa lahat. Marapat lamang na ang mga pamana ng lahi ay maisagawa, at maipasa sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang pagsikat ng araw ay nangangahulugan ng pag-asa, habang ang mga makukulay na kulay ay sumisimbolo sa kayamanan at daynamikong pagpapahayag ng kultura.
Ang lahat ay inaanyayahang makilahok at balikan ang mga pamana ng lahi nang may pagmamalaki. Ang mga pamana ay hindi lamang angkla ng nakaraan, bagkus isang buhay na pamana na pinananatili ng sama-samang pag-aalaga na may kaakibat na responsibilidad. Sama-sama nating pahalagahan at hubugin ang mayamang kulturang Pilipino.
Sa ngalan ng buong pamunuan at mga manunulat ng Agila ng Bayan ay pagbati ng Maligayang Pambansang Buwan ng Pamana!
