Gumawa ng kasaysayan ang Pilipinas ngayong Lunes, Mayo 11, matapos aprubahan ng Kamara de Representantes ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa ikalawang pagkakataon.
Sa botong 255-26 at siyam na abstention, pormal na kinatigan ng Kamara ang ulat ng House Justice Committee na nakakita ng “probable cause” sa mga reklamong inihain laban sa Bise Presidente.
Higit na mataas ito sa 215 mambabatas na lumagda sa reklamo noong nakaraang taon.
Ayon kay Justice Committee Chair Gerville Luistro, ang tanging tanong na hinarap ng kapulungan ay kung may sapat na dahilan ba upang ituloy ang paglilitis sa Senado—isang tungkuling tinawag niyang “sagrado.”
Nahaharap ang Bise Presidente sa apat na mabibigat na basehan sa ilalim ng isinumiteng resolusyon.
Una rito ang maling paggamit ng confidential funds na nagkakahalaga ng P612.5 milyon sa OVP at DepEd na itinuturing na paglabag sa Konstitusyon at betrayal of public trust.
Kasunod nito ang isyu ng unexplained wealth bunsod ng nakitang discrepancy sa bank transaction records at idineklarang yaman sa kanyang SALN.
Isinama rin sa mga reklamo ang umano’y suhulan sa DepEd sa pamamagitan ng pamimigay ng cash gifts sa mga opisyal ng kagawaran na pasok sa kasong bribery at graft and corruption.
Panghuli ay ang banta sa buhay ng Pangulo at sedisyon dahil sa mga kontrobersyal na pahayag laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez, gayundin ang pag-udyok umano sa pag-aalsa laban sa pamahalaan.
Ipapadala na ng Kamara ang mga artikulo sa Senado upang magsilbi bilang Impeachment Court.
Matatandaang noong nakaraang taon, ibinasura ng Korte Suprema ang unang impeachment ni Duterte dahil sa pagiging unconstitutional nito.
Gayunpaman, muling nababalot ng duda ang usapin matapos ang biglaang pagpapatalsik kay Senator Tito Sotto at pagluklok kay Senator Alan Peter Cayetano—isang kilalang alyado ng mga Duterte—bilang bagong Senate President ngayong araw.
Kailangang makumbinsi ng House prosecution team ang 16 sa 24 na senador (two-thirds threshold) upang tuluyang ma-convict ang Bise Presidente. Siyam (9) na boto lamang ang kailangan ni Duterte upang makaiwas sa pagkakatanggal sa pwesto.
Sa kasalukuyan, tinitingnang “solid” na kakampi ni Duterte sa Senado sina Robin Padilla, Bong Go, Rodante Marcoleta, at Bato dela Rosa.
Inaasahan ding magbibigay ng simpatiya ang magkapatid na Cayetano at Villar, gayundin si Senator Imee Marcos.
Kung mahahatulan ng “guilty,” tuluyan nang maglalaho ang pangarap ni VP Sara na tumakbo sa pagkapangulo sa darating na 2028 elections dahil sa permanenteng diskwalipikasyon sa serbisyo publiko. (Felix Tambongco)
