Nakabalik na sa bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos dumalo sa 33rd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China, bitbit ang bilyon-bilyong dolyar na pangakong puhunan at isang makasaysayang kasunduang pangkalakalan.
Sa kanyang opisyal na mensahe pagdating sa bansa nitong Nobyembre 20, ibinalita ng Pangulo na nakalikom ang Pilipinas ng $41.1 bilyon sa mga investment pledges mula sa isang executive roundtable kasama ang malalaking China company, kabilang ang TCL Group, Huaxin Building Materials Group, Shenzhen Xunlong Electronic, at Picon International. Inaasahang lilikha ito ng mahigit 7,000 bagong trabaho para sa mga Pilipino.
Bukod dito, binigyang-diin ni Marcos ang pakikipagpulong sa ilang lider ng mga malalaking kumpanya sa China upang palawakin ang kanilang operasyon sa Pilipinas.
Kabilang dito ang C&U Group na nakatakdang magtayo ng isang integrated production base para sa bearings at bearing components sa Alitagtag, Batangas, na magsisilbing pinakamalaki nilang pasilidad sa labas ng China.
Tinalakay rin ang pagpapalawak ng presensya ng BYD sa bansa katuwang ang Ayala Corporation (ACMobility) upang suportahan ang lokal na industriya ng electric vehicles (EV), habang nagpahayag naman ang Mingyang Smart Energy Group ng planong pamumuhunan sa imprastraktura para sa offshore wind energy.
Isang mahalagang bahagi rin ng biyahe ng Pangulo ang paglagda sa Philippines–Chile Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA)—ang kauna-unahang bilateral free trade agreement ng Pilipinas sa isang bansa sa Latin America.
Ayon kay Marcos, magsisilbi itong tulay upang makapasok ang mga produkto at serbisyong Pilipino sa mas malawak na merkado ng rehiyon at mapatatag ang supply chain ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa mga lider ng APEC, isinulong ni Marcos ang pagkilala sa educational at professional qualifications ng bawat ekonomiya upang mas malayang makapagtrabaho ang mga Pilipinong propesyonal sa rehiyon.
Tinukoy din niya ang malaking oportunidad sa “care economy” pagsapit ng taong 2050, kung saan inaasahang aabot sa mahigit 300 milyon ang mga nakatatanda sa APEC, at handa umano ang mga Pilipinong nars at caregiver na tumugon dito.
Bilang kasalukuyang Tagapangulo ng ASEAN, ibinahagi rin ng Pangulo ang mga hakbang sa digital economy at nanawagan ng abot-kayang artificial intelligence (AI) at digital tools para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs). Iginiit niya na ang paggamit ng AI ay dapat nakasentro sa tao at nakabatay sa tiwala ng publiko.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagpapanatiling bukas at ligtas ng mga karagatan alinsunod sa pandaigdigang batas, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), para sa kabuhayan ng mga mangingisda at daloy ng pandaigdigang kalakalan.
Tiniyak ng Pangulo na agad kikilos ang pamahalaan upang maisalin ang mga nasabing kasunduan sa konkretong trabaho, mas maraming oportunidad sa negosyo, at mas maayos na serbisyo para sa bawat pamilyang Pilipino.
