Iniimbestigahan na ngayon ng pulisya at ng Department of Education (DepEd) ang insidente ng pananakit sa isang babaeng estudyante matapos itong kuyugin at pagtulungang saktan ng kanyang mga kaklase sa loob ng kanilang paaralan sa Malinao, Aklan
Batay sa ulat, nakuhanan sa video ang paninipa at pananapak ng anim na lalaking estudyante sa kanilang babaeng kamag-aral noong Miyerkules, Nobyembre 18, 2026.
Sa nasabing kuha, makikitang sinubukan pang kumuha ng upuan ng biktima upang ipagtanggol ang kanyang sarili, ngunit hindi ito naging sapat dahil nagpatuloy pa rin ang pagkuyog sa kanya hanggang sa mapaupo na lamang siya sa sahig.
Ayon sa Malinao Police, naidulog na rin ang insidente sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mabigyan ng kaukulang aksyon at gabay ang mga sangkot na menor de edad.
Patuloy namang hinihintay ang opisyal na pahayag mula sa pamunuan ng paaralan hinggil sa pangyayari at sa mga hakbang na ipatutupad upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
