Dalawang prestihiyosong pagkilala ang tinanggap ni Government Service Insurance System (GSIS) President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso mula sa mga pandaigdigang institusyong pinansyal na Citi at HSBC noong Nobyembre 12 bilang pagpupugay sa kanyang kahusayan sa banking at kontribusyon sa public service.
Iginawad kay Veloso ang 2026 Citi Distinguished Alumni Award for Community and Social Impact sa ginanap na Citi Philippines Alumni Event sa Shangri-La, Makati. Kasabay nito, pinagkalooban din siya ng HSBC Outstanding Alumni Award sa HSBC Alumni Homecoming 2026 sa Manila House, Bonifacio Global City.
Ang mga parangal ay dagdag sa makulay na karera ni Veloso na sumasaklaw sa halos apat na dekada sa sektor ng pananalapi. Nagsimula ang kanyang karera sa pagbabangko sa Citi kung saan siya nanilbihan nang apat na taon bago lumipat sa HSBC noong Disyembre 1994. Sa kanyang halos 24 na taong pananatili sa HSBC, umangat siya sa posisyon hanggang sa hirangin bilang kauna-unahang Pilipinong President at Chief Executive Officer ng HSBC Philippines noong 2012. Nagsilbi rin siyang Pangulo ng Bankers Association of the Philippines nang isang taon hanggang Marso 2022.
Mula nang manungkulan bilang pinuno ng GSIS noong Hulyo 5, 2022, pinangunahan ni Veloso ang mga reporma upang patatagin ang pondo ng pensyon at palawakin ang mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mga kawani ng gobyerno at pensyonado.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakapagtala ang GSIS ng P123 bilyong net income sa unang siyam na buwan ng 2026, na mas mataas nang 14% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ang matatag na kita ay sumusuporta sa patuloy na pagbibigay ng pangmatagalang benepisyo at mas pinahusay na serbisyo para sa mga miyembro nito.
Pinangunahan din ni Veloso ang pagpapalawak sa mga programang pautang ng ahensya, partikular ang Ginhawa financing initiatives na nagbibigay ng mas abot-kayang opsyon sa pangungutang. Kabilang dito ang pautang para sa solar energy systems upang mabawasan ang gastusin sa kuryente ng mga pamilya, pautang para sa mga bisikleta at electric mobility devices, at ang programang Balik Ginhawa na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga kwalipikadong miyembro at pensyonado.
Bukod dito, pinalakas din ng GSIS ang mga programa sa kalusugan, pabahay, at edukasyon.
Higit sa serbisyong pinansyal, sinusuportahan din ni Veloso ang GSIS Last Mile School Program na naghahatid ng mga kagamitang pang-edukasyon sa mga kabataan sa malalayong komunidad, habang isinusulong ang pakikilahok ng pribadong sektor sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng financial literacy at mentoring.
Pinatutunayan ng dalawang parangal mula sa Citi at HSBC ang mga tagumpay ni Veloso sa industriya ng pagbabangko at ang kanyang patuloy na pamumuno upang matiyak ang seguridad sa pananalapi ng mga manggagawa sa pamahalaan.
