Tanghalan at Logo ng World Icon of Excellence and Leadership Awards
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
ISANG gabing hindi basta pagdiriwang bagkus ay pagpupugay sa mga pusong tumayo, naglingkod, at naging tanglaw ng bayan.
Noong 25 Hulyo 2026 Sabado ng gabi sa Grand Ballroom, The Heritage Hotel Manila, ay naganap ang pagbibigay ng parangal sa ilalim ng mga chandelier, ang pagtitipon ng mga makabagong bayani at icon – mga lider, propesyonal, negosyante, at tagapagtaguyod na pinatunayang ang tunay na galing ay malasakit, ang tunay na liderato ay may puso.
Pinangunahan ni LTSG. Amb. Dr. Michael Kevin M. Eustaquio, Pangulo at CEO ng Legacy Crown Advertising Corporation (LCAC), ang prestihiyosong World Icon of Excellence & Leadership Awards 2026 o WIELA. At sa buong gabi, isang pangalan ang bumida sa pagitan ng mga parangal, si Raymond Gorospe, ang mahusay na guro ng palatuntunan na nagbigay-buhay sa bawat pagkilala.
Ang WIELA ay hindi lang parangal. Ito ay pandaigdigang pagkilala sa mga indibidwal at institusyong nag-iwan ng bakas – sa edukasyon, negosyo, sining, media, at pamayanan dala ang temang “Leading with vision, achieving with excellence, and inspiring a world, without borders.”
Misyon nito na parangalan ang kahusayan, itaas ang integridad, ipagdiwang ang inobasyon, at lumikha ng pamana para sa susunod na henerasyon. Sa tulong ng mga embahador at kasosyo mula sa media, pelikula, sining, at negosyo, ginagawang rebolusyon ang WIELA ang pagdiriwang ng talento – mula lokal, hanggang sa mundo.
Ayon kay Dr. Eustaquio: “Pangangalagaan natin ang isang paglalakbay na mag-iiwan ng pamana para sa kasalukuyang henerasyon na maging inspirasyon at para sa hinaharap na henerasyon na pag-isipan. Sama-sama nating liwanagin ang landas ng kahusayan.”
Sa gabing iyon muling kinilala ang inyong lingkod bilang ‘International Distinguished Excellence Award in Education, Media and Journalism”. Ang parangal ay ang ikalimang beses mula sa LCAC batay sa sumusunod: ‘Multi-Awarded and Most Outstanding Educator with Seal of Excellence in Radio Broadcasting, Journalism and Academic Leadership Award’, WIELA, 21 Hunyo 2025; ‘Renowned Filipino Educator and Distinguished Columnist with Remarkable Hero of Excellence in Social Commentary and Educational Leadership Award’, Gawad Parangal ng Bayaning Pilipino, 12 Oktubre 2025; ‘Asia’s Premier Filipino Educator and Media Advocate for Excellence in Broadcasting, Journalism, and Educational Leadership Award, Asia’s Golden Legacy Awards, 20 Disyembre 2025; at ‘Global Icon Award for Educational Leadership, Broadcasting, and Journalism Excellence’, Global Leadership & Achievers Awards, 28 Marso 2026.
Limang pagkilala, subalit ang tunay na bilang ay hindi sa tropeyo at sertipiko, sa halip sa mga buhay na naantig, sa mga mag-aaral na natuto, at sa mga kuwentong nailathala na nagbigay ng pag-asa at inspirasyon.

Dr. Kenneth Guy Salvatus (kanan).
Ang karangalang ito ay hindi lang para sa akin. Para ito sa aking mga magulang, kapatid, pamilya, mga pamangkin, mga kaibigan, mga kasamahan sa hanapbuhay, at sa lahat ng mag-aaral na naging bahagi ng aking paglalakbay – mula noon hanggang ngayon.
Higit sa lahat sa aking tahanan sa pamamahayag: Gng. Mina Paderna, Marketing & Advertising Head, at G. Arnold Pajaron Jr., Editor-in-Chief, at sa buong pamunuan at mga manunulat ng AGILA NG BAYAN. Kayo ang inspirasyon upang patuloy na maghatid ng kaalaman – lalo na sa mga kabataang uhaw sa katotohanan.
Maraming maraming salamat po sa buong pamunuan ng Legacy Crown Advertising Corporation na pinamumunuan ni Dr. Michael Kevin M. Eustaquio. Tunay na kayo po ay isang mabuting huwaran at lider na may ginintuang puso!
Mabuhay ang World Icon of Excellence & Leadership Awards!
Mabuhay ang Pilipinas!
Isang gabing puno ng ningning. Isang pamana ng pag-asa.
