Nagsauli na ng halagang P343 milyon sa Bureau of the Treasury ang kapwa akusado ni dating House Speaker Martin Romualdez na si Felicito Guevara, kasabay ng hiling ng prosekusyon sa Sandiganbayan Third Division na alisin siya sa listahan ng mga akusado upang gawing testigo sa P7.4-bilyong kasong plunder.
Si Guevara, na pangulo ng Samchan Foreign Exchange Corporation, ay sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre 19 matapos kumilos ang mga prosecutor upang kanselahin ang kanyang pasaporte.
Ayon sa prosekusyon, ang ibinalik na P343 milyon ang naging parte umano ni Guevara mula sa mga transaksyon kung saan ginamit ang kanyang kumpanya upang itago at ilipat ang mga kickback mula sa mga proyekto sa imprastraktura ng gobyerno.
Nais din ng prosekusyon na ipalit si Guevara kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan bilang testigo sa bail hearing ni Romualdez.
Layunin umano ng kanyang testimonya na idiin ang papel ng isa pang akusado at dating personal staff ni Romualdez na si Jocelyn Sereno, na nag-deliver umano ng maleta-maletang pera sa Samchan Foreign Exchange para ipapalit.
Nilinaw naman ng Ombudsman na bagama’t binigyan ng conditional immunity si Guevara kapalit ng buong katotohanan at pagsusuko ng kanyang mga rekord at device, hindi nito binubura ang kanyang pananagutang kriminal at maaaring bawiin ang kanyang immunity kung lalabag siya sa mga kondisyon.
Samantala, sa nagpapatuloy na bail hearing ni Romualdez nitong Lunes, ibinunyag ng testigo ng prosekusyon na si Atty. Mark David Vergara ng Ombudsman Special Panel of Investigators na paulit-ulit umanong ginamit ng dating Speaker ang kanyang frat brother na si Jose Raulito Paras upang makabili ng mga ari-arian sa Forbes Park, Makati City.
Ipinunto ni Vergara na bagama’t si Paras ang may-ari ng 99.99% ng Golden Pheasant—ang nakalistang may-ari ng property sa 30 Tamarind Street—lumalabas na si Romualdez pa rin ang tunay na beneficial owner nito.
Batay umano ito sa salaysay ng mga tinaguriang “maleta boys” na nagde-deliver ng pera sa nasabing lugar para sa dating kongresista, bukod pa sa hindi sapat ang idineklarang kita ni Paras sa kanyang income tax return noong 2023 at 2024 upang makabili ng ganoong kalaking ari-arian.
