Nasa bingit ngayon ng pagbagsak ang local industry ng hog raiser sa bansa. Ito ang mariing babala ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) at ng National Federation of Hog Farmers Inc. (NFHFI) sa kanilang pormal na apela kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang hiling nila mga ka-Berdugo ay isang mabilisang Executive Order (EO) na magbabalik sa mas mataas na taripa sa imported na karne ng baboy, 30% para sa in-quota (MAV) at 40% para sa out-quota imports.
Hindi lang po kasi ito simpleng usapin ng kita ang hinaharap ng ating mga hog raisers kundi usapin ng kanilang survivability. Araykupo!
Sa kasalukuyan mga ka-Berdugo, bumagsak sa P90 hanggang P120 kada kilo ang farmgate price ng baboy. Samantala, patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng feeds, kuryente, at iba pang gastusin sa farm. Naloko na!
Sa computation ng SINAG, nalulugi ng P50 hanggang P90 kada kilo ang mga lokal na mambababoy. Katumbas ito ng kawalan ng P5,000 hanggang P9,000 sa bawat isang baboy na kanilang pinalalaki. Ang sakit sa bangs nito.
Isipin ninyo, papaano mananatili sa negosyo ang isang pamilyang nag-aalaga ng baboy kung sa bawat benta nila ay nalulubog sila lalo sa utang?
Maling isipin na ang mga hog raisers lang ang apektado rito. Kapag nagsara ang mga lokal na babuyan, may domino effect ito sa buong chain ng agrikultura.
Bakit?
Kasi mawawalan ng bibili ng mais sa ating mga magsasaka ng mais. Маhihirapan ang mga feed millers, veterinary providers, at slaughterhouses. Apektado pati ang mga traders at biyahero ng karne sa buong bansa. Tsk!
Ang karaniwang proseso sa Tariff Commission ay tumatagal ng ilang buwan dahil sa mga public hearing at pag-aaral. Ngunit tulad ng diin ng SINAG, “We cannot wait another day for tariff restoration.”
Kung hihintayin pa ang mabagal na proseso ng pambansang burokrasiya, baka kapag lumabas ang desisyon ay wala nang natitirang lokal na babuyan sa Pilipinas. Dito kailangan ang political will ng Pangulo.
Bilang concurrent na lider o dating tagapamahala na nakatuon sa agrikultura, nasa kamay ni PBBM ang kapangyarihang maglabas ng EO para mabigyan ng agad-agarang saklolo ang sektor.
Ang pagpapapasok ng murang imported na karne nang walang sapat na proteksyon sa lokal na produksyon ay isang panandaliang solusyon na may matagalang pinsala.
Kapag tuluyang namatay ang ating lokal na industriya, magiging 100% tayong nakadepende sa imported na karne. At kapag nagmahal ang presyo sa pandaigdigang merkado, ang consumers din ang huling magdurusa. Get’s ninyo po ba, mga ka-Berdugo?
Oras na para pakinggan ng Malacañang ang nagkakaisang sigaw ng ating mga magbababoy mula Batangas, Quezon, at iba pang lalawigan.
Itaas ang pork tariff, protektahan ang produktong Pilipino.
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
