Maling paggamit ng pondo ng bayan at hindi ang paggamit ng mga alias ng mga bayani ang tunay na isyu sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ito ang malinaw na pahayag ng mga tagapagsalita ng House prosecution team sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, matapos idahilan ni Senador-Hukom Robinhood Padilla na gumamit din ng mga huwad na pangalan ang mga bayaning Pilipino noong panahon ng Espanyol upang protektahan ang kanilang pagkakakilanlan.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia-ur Rahman Alonto Adiong, “Gulong siguro sa kani-kanilang libingan ang mga pambansang bayani kung ang kanilang mga nom de guerre ay iuugnay sa alegasyon ng pag-abuso sa confidential funds.”
Binigyang-diin niya na usaping audit ito at walang anumang confidential activity ang pwedeng magpalambot sa mandato ng Commission on Audit (COA) na siyasatin ang pondo ng bayan.
Sinundan din ito ni Deputy Speaker Paolo Ortega sa pagpapaliwanag na ginamit ng mga bayani ang mga alias para sa bayan, at hindi para manlinlang ng publiko o magbulsa ng pera.
Ibinunyag naman ni Deputy Speaker Janette Garin na bagamat ginagamit ang mga alyas sa mga lihim na operasyon, kailangan pa rin ng malinaw na audit trail.
Giit niya, ang paglitaw ng mga kaduda-dudang pangalan tulad nina “Mary Grace Piattos,” “Pusa,” “Pagong,” at “Ngitngit” sa mga resibo ay nagpapahiwatig na posibleng napunta sa mga ghost project o kathang-isip na aktibidad ang pondo ng OVP at DepEd.
