Ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 30-araw na pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng isang pasaherong taxi matapos ireklamo sa paniningil ng P2,000 pamasahe sa isang dayuhang turista mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nakarating sa kaalaman ng ahensya ang naturang insidente matapos subaybayan ng kanilang social media team ang isang kumakalat na vlog.
Sa nasabing video, lumabas na siningil ng drayber ang dayuhan ng P2,000 para sa limang minutong biyahe lamang.
Bukod dito, pinasakay din ng drayber ang isa pang indibidwal sa gitna ng biyahe.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, sa ilalim ng gabay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, agad silang naglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa operator ng sasakyan.
“This is a gross violation of the franchise rules and regulations. No passenger, much more foreign tourists whom we should welcome to the country, deserves this kind of treatment,” said Chairman Vigor.
“But we will give the operator the chance to explain as part of the due process. In the meantime, however, the operation of that taxi is temporarily suspended,” he added.
Nilinaw naman ng opisyal na bibigyan pa rin ng pagkakataon ang operator na magpaliwanag bilang bahagi ng due process, ngunit mananatiling suspended ang operasyon ng taxi habang gumugulong ang imbestigasyon.
Sa ipinalabas na SCO, kinakailangang isuko ang plaka ng taxi sa LTFRB at obligado ring isailalim sa drug test ang drayber na sangkot sa insidente.
Pinagpapaliwanag ang operator kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusa sa kabila ng kabiguang magbigay ng ligtas, maaasahan, at maayos na serbisyo sa public transportation.
Nakatakda ang pagdinig sa Korte ng LTFRB sa darating na Agosto 19, kung kailan inaasahang magsusumite ang operator ng kaniyang notarized explanation.
Samantala, nagbabala si Chairman Mendoza sa iba pang mga operator at drayber ng taxi na maging maayos sa kanilang serbisyo, dahil hindi mag-aatubili ang ahensya na magsuspinde o tuluyang magkansela ng prangkisa sa mga lumalabag.
Hinimok din ng LTFRB ang publiko na agad iulat ang anumang pangaabuso ng mga drayber ng pampublikong sasakyan sa pamamagitan ng hotline na 1342 o sa kanilang opisyal na online platforms.
