Ginawaran ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Doctor of Laws, honoris causa—ang kauna-unahang higher education degree ng 68-anyos na Punong Ehekutibo.
Ibinigay ang parangal sa ginanap na graduation rites ng PLM nitong Huwebes matapos mabilis na aprubahan ng Legal Education Board (LEB) ang rekomendasyon ng unibersidad sa loob lamang ng 12 araw.
Pumalag naman ang ilang grupo at abogado sa ginawang pagkilala sa Pangulo.
Ayon kay Kabataan Partylist Rep. Renee Co, isang abogado, tila “pambabastos” ito sa mga nagpapakasakit na mag-aral ng batas lalo’t malapit na ang Bar Exams.
Kinuwestiyon din ni Atty. Frederick “Spocky” Farolan ang ginawa ng LEB.
Aniya, malinaw sa mismong rules ng LEB (MO No. 033, series of 2025) na kailangang may baccalaureate degree ang tatanggap ng honorary degree.
Matagal nang giit ni PBBM na nakakuha siya ng Bachelor of Arts sa Oxford University sa UK, ngunit lumabas sa opisyal na rekord ng paaralan na hindi niya natapos ang kurso at Special Diploma in Social Studies lang ang nakuha niya noong 1978.
Inamin din ng Pangulo na hindi niya natapos ang kanyang Master’s degree sa Wharton School sa US noong 1980 nang tumakbo siyang vice governor ng Ilocos Norte.
Kabilang sa mga nag-apruba sa parangal si PLM Board of Regents Chair Edward Serapio, na kilalang founding partner ng M&O Law Office kung saan dating nagtrabaho si First Lady Liza Araneta-Marcos. Naging propesora rin ang Unang Ginang sa PLM College of Law mula 2010 hanggang 2014.
Inagaw man ng kontrobersya, buong-puso pa ring tinanggap ni PBBM ang kanyang bagong titulo mula kina PLM President Domingo Reyes Jr. at Manila Mayor Isko Moreno.
“I receive this honor with gratitude, mindful of the responsibility that comes with it,” pahayag ni Marcos.
