Itinalaga bilang bagong Regional Director ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Eastern Visayas si Atty. Jeremy Lotoc, na dating namuno sa NBI-BARMM at sa Cybercrime Division ng ahensya.
Ipinakilala ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez si Lotoc noong Miyerkules matapos ang kanilang pagpupulong kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng seguridad sa rehiyon, partikular ang pagpapatupad ng mas mahigpit na gun safety at ownership kasunod ng mga kamakailang insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Binigyang-diin ng alkalde na kailangang masiguro na walang access sa baril ang mga hindi kwalipikadong indibidwal, lalo na ang mga menor de edad, bukod pa sa pagpapatibay ng cybersecurity sa mga ahensya ng pamahalaan.
Naging kilala si Lotoc kamakailan matapos siyang tumayo bilang saksi ng prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng imbestigasyon ng NBI sa mga umano’y banta nito laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez noong Nobyembre 2024.
