Pumayag ang Meta company na magbigay ng subscriber information at traffic data sa mga awtoridad ng Pilipinas kapag may natukoy na tiyak o nagbabagyang banta ng karahasan, partikular sa mga kabataan.
Pahayag ito ni Senadora Risa Hontiveros matapos dumalo ang kanyang kinatawan kasama ang delegasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa isang roundtable meeting kasama ang mga top Asia-Pacific policy officer ng Meta sa Singapore nitong Huwebes, Agosto 27.
Nakatutok ang pulong sa responsibilidad ng Facebook at iba pang Meta platform sa pagpigil sa paglaganap ng nihilistic violent extremism at pag-iwas na magbunga ang mga ito ng aktwal na pag-atake.
“Napapayag natin, napa-commit natin ang Meta na ibibigay nila sa ating mga awtoridad ang subscriber information at pati traffic data once na may ma-identify silang banta sa kaligtasan ng ating mga bata bago pa may mangyaring aktwal na pag-atake,” ani Hontiveros.
Ikinabit din ng senadora ang kasunduang ito sa isinusulong na Child Online Safety and Protection Act (Senate Bill No. 2424), kung saan ipinagbabawal sa mga batang mababa sa 16 taong gulang ang paglikha o paggamit ng social media accounts, na may kaukulang parusa sa mga platform at mga magulang na mapapatunayang nagpabaya.
Nagmula ang mas hihigpit na pagrepaso sa mga tech company matapos ibunyag ng pulisya sa pagdinig sa Senado noong Agosto 20 na mayroon silang 74 kaso na may kaugnayan sa nihilistic violent extremism.
Kasabay nito, binatikos din ni Hontiveros ang Meta dahil nanatili nang 14 minuto sa Facebook ang livestream ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga noong Agosto 18 na ikinasawi ng dalawang menor de edad.
