Pormal nang inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft at malversation of public funds laban kina Surigao del Norte 1st District Representative Francisco “Lalo” Matugas at sa kanyang anak na si dating kinatawan Francisco “Bingo” Matugas II.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, bukod sa mga kasong kriminal na isinailalim na sa preliminary investigation, nahaharap din ang dalawa sa mga kasong administratibo na may kaparusahang suspensyon o permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon.
Nagmula ang reklamo sa partisipasyon ng mag-ama at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa maanomalyang kontrata sa Boometrix Development Corporation.
Sa rekord ng DPWH, idineklarang ganap nang tapos at buong nabayaran ang P80.61-milyong Mahayahay-Tuburan road project sa Del Carmen, subalit sa inspeksyon ng Ombudsman noong Abril 2026, natuklasang 65% hanggang 70% pa lamang ito gawa kahit nailabas na ang mahigit P31 milyon.
Bukod dito, nakadokumento rin ang P457 milyong halaga ng pautang sa pagitan ng mga Matugas at ng Boometrix, na nagpapatunay ng kanilang direktang interes sa pananalapi sa naturang contractor.
Nabatid din sa mga imbestigasyon na ang Boometrix ay itinatag ng kapatid ng patriyarka na si Dapa Mayor Elizabeth Matugas, at ang mga share nito ay hawak pa rin ng kanyang anak na si Ronald Abejo.
