Ang Pagdating ni Mali sa Pambansang Museo
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
HINDI na siya sa Manila Zoo. Nasa mas marangal na tahanan na siya ngayon.
Pormal nang inilantad noong 27 Agosto 2026 Huwebes ang mga taxidermied na labi ni MALI – ang elepanteng minahal ng ilang henerasyong Pilipino.
Matatagpuan na siya ngayon sa National Museum of Natural History katabi ng isa pang alamat: si LOLONG, ang higanteng buwaya.
Para kay National Museum Board Chairman Andoni Aboitiz ay hindi lang ito display. Ito ay pamana. “Naging bahagi ng buhay ng maraming henerasyon ng mga Pilipino si Mali,” ani Aboitiz. “Sa pamamagitan ng maingat na pagpapanumbalik at konserbasyon, sinikap naming mapanatili hindi lamang ang kaniyang pisikal na anyo, kundi pati na rin ang kuwentong nakapaligid sa kaniya.”
Isinilang sa Sri Lanka noong 1974. Si Mali ay dumating sa Pilipinas noong 1977 bilang regalo ng gobyerno ng Sri Lanka kay dating First Lady Imelda Marcos. Siya ang kauna-unahang elepante na nakatapak sa Malacañang.
Sa loob ng halos 50 taon siya ang bida ng Manila Zoo. Subalit may sugat pala si Mali sa nakaraan. Ayon sa tour guide na si Alekzssa Mirasol, kinaiinisan ni Mali ang kulay pula dahil naaalala nito ang pulang trak na sinakyan ng nanay niya noong inilayo siya.
Noong 28 Nobyembre 2023 Sabado ay pumanaw si Mali sa edad na 50 dahil sa congestive heart failure at kanser. Subalit hindi natapos doon ang kaniyang kuwento.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, “Marami sa atin ang may alaala kay Mali. Kaya gusto nating mapanatili ang kuwento at alaala niya – isang bahagi ng ating pagkabata at ng kasaysayan ng Maynila.”
Dagdag ni Aboitiz: “Ang presensya ni Mali sa museo ay paanyaya para pag-isipan natin ang wildlife, biodiversity, at ang papel natin sa pagprotekta sa mga tirahan nila. Dahil ang pag-aalaga sa wildlife ay hindi nagtatapos lamang sa isang indibidwal na hayop.”
Ngayon salamat sa Per Preservation Taxidermy Service dahil mananatili si Mali. Hindi na siya gumagalaw. Subalit ang aral at alaala niya, buhay na buhay pa rin.
Sa lahat ng may alaala kay Mali: muli siyang masisilayan. Sa bago niyang tahanan. Sa puso ng Maynila. Sa National Museum.
Paalam, Mali. Salamat sa 50 taon ng pagmamahal.
