Gagamitin ng Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) ang bagong P1-bilyong pondo nito upang tukuyin ang mga hindi naitalang waterways sa bansa at mapahusay ang mga modelo sa pagkontrol ng baha.
Ayon sa University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), mahalaga ang pagtukoy sa mga nakatago, nabago, o na-divert na daluyan ng tubig upang magsilbing gabay sa mga lokal na pamahalaan sa urban planning, pagpapasayos ng drainage system, at emergency response.
Paliwanag ni UPRI Executive Director Mahar Lagmay, madalas na binabaha ang mga partikular na lugar dahil nakatayo ang mga ito malapit o mismo sa ibabaw ng mga lumang daanan ng tubig.
“Kapag sinabing baha, hindi lubog ang buong Metro Manila… We use science for us to understand that not all places get flooded—it’s beside the creeks, it’s in the low-lying areas, it’s beside the streams,” ani Lagmay.
Bago makuha ang pondo, natukoy na ng UPRI YouthMappers ang daan-daang hidden waterways sa Quezon City na kailangang suriin at i-restore upang maiwasan ang pag-apaw ng tubig kapag umuulan.
Bukod sa pagtukoy sa mga nakatagong daluyan ng tubig, gagamitin din ang P1-bilyong budget para sa paggawa ng high-resolution maps ng mga pangunahing river basin sa bansa, pagsuporta sa Oplan Kontra Baha, at pagbuo ng mga nature-based solutions.
Magagamit din ang pondo sa pagpapatupad ng mga makabagong teknolohiya tulad ng pag-simulate ng mga detention basin, paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa disaster management, at pagsasagawa ng LiDAR drone surveys kasama ang mga State Universities and Colleges (SUCs).
