Upang matiyak na walang delay sa pagpapadala ng mga learning material, pinalalakas ng Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara ang school-level tracking gamit ang Learning Resource Management and Information System (LRMIS).
Pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng Learning Resource Management and Information System (LRMIS) upang matiyak ang mabilis at tamang pagpapadala ng mga batayang aklat at teachers’ manual sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Kasunod ito ng matagumpay na pagbili ng DepEd sa lahat ng 105 target textbook titles para sa Grades 1 hanggang 10 at Senior High School—isang malaking hakbang upang matugunan ang matagal nang kakulangan sa mga aklat na unang isiniwalat ng EDCOM II.
Ayon kay Secretary Sonny Angara, hindi natatapos ang trabaho sa pagbili ng libro dahil ang pangunahing hamon ngayon ay ang pagtiyak na makararating ang mga ito sa mga mag-aaral.
Sa pamamagitan ng LRMIS, maipapasok ng mga paaralan ang kanilang imbentaryo upang agad na matukoy ang mga kulang na libro, maiwasan ang pagkawala, at maipamahagi ang mga sobrang buffer stock sa mga lugar na nangangailangan.
Sa kasalukuyan, nasa 37,705 paaralan (78% ng kabuuan) na ang nakarehistro sa LRMIS, at mahigit 20.5 milyong learning resources na ang naitala sa sistema.
Lalo pang palalawakin ang LRMIS sa mga susunod na yugto upang magkaroon ng real-time monitoring, mabilis na pagpapalit ng mga nasirang aklat, at mas transparent na pamamahala sa kagamitan sa pagtuturo.
