Handa ang Government Service Insurance System (GSIS) na magbukas ng emergency loan application para sa mga miyembro at pensyonadong apektado ng Bagyong ‘Maymay’ at ng hanging Habagat sa oras na pormal na maideklara ang State of Calamity sa kani-kanilang lugar.
Sa ilalim ng programa, maaaring humiram ng hanggang P40,000 ang mga kwalipikadong miyembro at pensioners na may umiiral nang emergency loan para mabayaran ang natitirang balanse, habang hanggang P20,000 naman ang maipapautang sa mga first-time borrowers.
Ang loan ay may interest rate na 6% kada taon at babayaran sa loob ng tatlong taon.
Upang makakuha ng pautang, kailangang ang aktibong miyembro ay nakatira o nagtatrabaho sa idineklarang calamity area, may hulog sa nakalipas na anim na buwan, walang nakabinbing kasong administratibo o kriminal, at may natitirang net take-home pay na hindi bababa sa P5,000.
Maaaring maghain ng aplikasyon gamit lamang ang GSIS Touch mobile app o mag-inquire sa opisyal na contact center ng ahensya.
