Kasama si Yani, ang opisyal mascot ng NHCP sa dalawang araw na fair
HUMAGUPIT ang habagat. Bumuhos ang ulan. Subalit hindi natalo ang Pilipino.
Noong 07-08 Agosto 2026 Biyernes-Sabado sa GSIS Museo ng Sining, Lungsod Pasay, mas malakas pa sa ulan ang bumuhos: kasaysayan, sining, at pagmamahal sa bayan. Naganap ang 3rd GSIS Historian’s Fair – patunay na kapag usapang lahi, walang bagyo ang makakapigil.
Isang makulay na ribbon-cutting ang sumiklab bilang hudyat ng pagdiriwang Hindi lang ribbon ang naputol. Naputol din ang limot. Oras na para balikan, basahin, at ipagmalaki muli kung sino tayo.
Puno ang museo ng mga booth mula sa iba’t ibang institusyon. Eksibit, libro, programa – lahat sumisigaw ng iisang mensahe: “Ito ang Pilipinas. Ito ang pamana natin.”
Dumagsa ang tao sa Book Signing ng dalawang obra: ‘Kanta Kay Josefina’ ni National Artist Virgilio S. Almario, at ‘PRESA’ ni Edgar Allan M. Sembrano – tungkol sa mga dam ng Kastila. Hindi lang autograph ang nakuha. Nabuhay muli ang mga kuwentong matagal nang natabunan ng alikabok.

Siksikan sa loob. Walang nakaupo na walang dalang baon na aral: ‘Tapat sa Watawat’ ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), paalala mula sa ahensyang 93 taon nang nagbabantay ng kasaysayan na mahalin ang bandila, mahalin ang bayan; ‘Juan Luna’s Parisian Life’ ni Prof. Eric Zerrudo, PhD., ano ang buhay ni Luna sa likod ng Spolarium? Masakit, Makatao, MakaPilipino; ‘RA 1425@70: Rescuing Rizal from the Rizal Course’ ni Prof. Ambeth Ocampo, 70 taon na ang Batas Rizal, panahon na ba para iligtas si Rizal mula sa pagiging “pahirap na subject” lang?; ‘Sukat ng Pagka-Pilipino’ ni Ms. Mona Magno-Veluz, ang tanong na tumama: Pilipino ka ba dahil ipinanganak ka dito? O dahil pinipili mong maging Pilipino?
Guro. Mag-aaral. Mananaliksik History nerds. Basa sa labas, subalit nagniningas sa loob. Ganito ang Pilipino. Kapag bayan na ang usapan, lalaban at makikinig.
Saludo sa GSIS at NHCP sa pagbuo ng fair na hindi lang eksibit – kundi karanasan.
Ngayong Buwan ng Kasaysayan tatlong bagay lang ang tandaan: Ang nakaraan ang susi. Ang kasaysayan ang gabay. Ang Pilipino ang kuwento.
Maligayang Buwan ng Kasaysayan! Mabuhay ang Pilipinas!
