Personal na pinangasiwaan ni Mayor Maan Teodoro ang deployment ng mas malalaking mobile booster pumps sa Brgy. Tumana at Brgy. Malanday ngayong Lunes, Aug. 10, 2026, upang mabilis na maipatapon ang naipong tubig-baha patungo sa drainage outfall. (Photo: Marikina LGU)
Nag-deploy ng mas malalaking mobile booster flood pumps ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina ngayong Lunes, Agosto 10, 2026, upang mapabilis ang paghupa at pag-drain ng tubig-baha sa mga apektadong lugar sa Barangay Malanday at Barangay Tumana.
Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, ang mga dineploy na booster pump ay may pumping capacity na tatlong beses na mas malakas kumpara sa mga kasalukuyang pump ng lungsod.
Ang mabilisang aksyon ng LGU ay kasunod ng naitalang pagbaha sa Libis Bulelak, Malanday, at Creekside sa Tumana noong Linggo matapos magkaroon ng aberya at hindi gumana ang Tumana Pumping Station sa District 2.
BASAHIN: Marikina naka-full alert sa Habagat
Pinaliwanag ng alkalde na layunin ng bagong kagamitan na pataasin ang volume ng tubig na nailalabas kada oras patungo sa drainage outfall habang patuloy ang clearing at pumping operations.
Agad ding pinakilos ng LGU ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang kontraktor nito upang ayusin at maibalik sa operasyon ang nasabing pumping station.
Kinumpirma naman ni DPWH Secretary Vince Dizon na nagpadala na sila ng technician sa lugar at nag-deploy din ng sariling mobile pump upang makatulong sa pagkontrol sa baha sa lungsod.
