Photo: Marikina PIO
Naka-full alert ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina upang tutukan ang banta ng pagbaha dulot ng patuloy at matinding pag-ulan na dala ng hanging Habagat.
Sa utos ni Mayor Maan Teodoro, agad na idineploy ang mga rescue boat, ambulansya, at iba pang emergency assets sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Bukod sa mga kagamitan sa paglikas, isinailalim na rin sa prepositioning ang mga central kitchen ng LGU upang makapagbigay agad ng mainit na pagkain sa mga residenteng posibleng ilikas mula sa kani-kanilang mga tahanan.
Patuloy na binabantayan ng LGU ang lagay ng panahon at ang lebel ng tubig sa Marikina River.
Kasabay nito, nanawagan ang pamahalaang lungsod sa lahat ng residente, lalo na sa mga nakatira sa mabababang lugar, na manatiling alerto at agad na sumunod kapag nagpalabas ng abiso ng paglikas ang mga awtoridad.
