Ibinaba ng UAAP Board nitong Biyernes, Agosto 7, 2026, ang pinal at lifetime ban laban kay dating Ateneo Blue Eagles head coach Thomas Anthony “Tab” Baldwin matapos ang ginawang imbestigasyon sa pagkakalunod at pagkasawi ng dalawang student-athletes noong Hunyo.
Nag-ugat ang parusa sa trahedya sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8 kung saan pumanaw ang mga manlalarong sina Rene Clert Baterbonia at Chukwuemeka Divine Adili sa gitna ng isang team-building trip.
Sa ilalim ng nasabing desisyon, permanenteng pinagbabawalan si Baldwin na maging coach, opisyal, o adviser sa anumang koponan sa UAAP, at bawal na ring pumasok sa mga venue ng liga.
Bukod kay Baldwin, pinalabas din ng board ang suspensyon sa ilang miyembro ng coaching staff at team officials kabilang sina Team Manager Christopher John Quimpo at pitong assistant coaches at physical therapist.
Bagama’t pinarusahan ang buong coaching staff, pinayagan pa rin ng UAAP Board ang Ateneo Blue Eagles men’s basketball team na makalaro sa darating na UAAP Season 89.
Iginiit ng liga na ibinigay ang pahintulot upang bigyang-daan ang kagustuhan ng mga natitirang student-athletes na maglaro para sa alaala ng kanilang mga pumanaw na teammates. (RON TOLENTINO)
