Pumanaw ang isang 24-anyos na Thai footballer habang siyam na iba pa ang nasugatan matapos tamaan ng kidlat ang football pitch sa gitna ng isang semi-final match sa Santiphap Stadium sa Sungai Golok, Narathiwat province noong Martes, Agosto 4, 2026.
Kinilala ang pumanaw na manlalaro na si Sofwan Awae, na naglalaro bilang winger at katatapos lamang pumirma sa Thai third-tier club na Yala FC ilang araw bago ang trahedya.
Naganap ang insidente sa gitna ng matinding sama ng panahon habang ginaganap ang Golok FA Cup, isang amateur tournament na nilalahukan ng mga koponan mula sa border ng Thailand at Malaysia.
Sa mga video na kumalat online, nakuhaan ang sandali nang tumama ang malakas na kidlat sa gitna ng kumpol ng mga manlalaro na naging dahilan ng agarang pagbagsak ng marami sa kanila.
Agad na sinubukang i-revive ng mga teammates si Awae bago dumating ang responders ngunit binawian din ito ng buhay sa ospital, habang patuloy namang ginagamot ang siyam na iba pang sugatan kabilang ang isang 22-anyos na Malaysian national. (RON TOLENTINO)
