Nanawagan si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa mga alkalde sa buong bansa na maging mas matalas ang mata sa pagbabantay sa kani-kanilang mga subordinates kasunod ng kaniyang ibinunyag na umano’y korapsyon sa mga garbage collection contract.
Nilinaw naman ni Remulla sa kaniyang programa sa radyo na hindi niya idinadamay ang lahat ng alkalde, kung saan pinuri nito sina Pasig City Mayor Vico Sotto at Quezon City Mayor Joy Belmonte na malinis umano sa ganitong uri ng katiwalian.
Gayunpaman, iginiit ng Ombudsman na kailangang maging alerto ang mga namumuno dahil maaaring may ginagawang illegal na aktibidad ang kanilang mga tauhan sa mga kritikal na departamento nang hindi nila direktang nalalaman.
“Under them, offices like the Business Permits and Licensing Office (BPLO)… the Office of the Building Official (OBO), check all of those. You should be aware of people under you who are committing shenanigans,” pahayag ni Remulla.
Nagbabala pa si Remulla na pwedeng patawan ng administratibong pananagutan ang mga alkaldeng magbubulag-bulagan o papayag lamang sa katiwalian ng kaniyang mga tauhan.
Hinimok din ng Ombudsman ang publiko na agad ireport ang anumang iregularidad sa pagkuha ng mga permit sa tanggapan ng mayor, at magpadala ng kopya sa Office of the Ombudsman at Anti-Red Tape Authority (ARTA) para sa kaukulang aksyon.
