Ipinagmalaki ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit at Related Summits sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ngunit iginiit niyang ang tunay na sukatan nito ay kung paano makikinabang ang ordinaryong mamamayan.
Bilang Chair ng ASEAN National Organizing Council (NOC), pinapurihan ni Recto ang puspusang pagtatrabaho ng mga ahensya ng gobyerno at katuwang na sektor upang maipakita ang galing ng Pilipino at ang diwa ng pagkakaisa sa rehiyon.
Gayunman, binigyang-diin ng kalihim na higit pa sa magagarbong palabas at maayos na pagpupulong, kailangang magbunga ang summit ng konkretong ginhawa para sa mga Pilipino. Kabilang dito ang pag-angat ng ekonomiya, seguridad sa pagkain at enerhiya, matatag na digital infrastructure, at mas pinatibay na alyansa sa karagatan upang maprotektahan ang yamang-dagat ng bansa.
Isa sa mga konkretong resulta ng pagpupulong ay ang pagtatayo sa Pilipinas ng dalawang bagong ASEAN centers: ang isa ay para sa creative industries na tutulong magpalago ng mga startup, at ang isa naman ay para sa maritime cooperation na magsusulong sa negosasyon para sa South China Sea Code of Conduct.
Dagdag ni Recto, bagama’t halos tapos na ang 556 na pagpupulong sa ilalim ng chairmanship ng bansa, marami pang kasunduan ang kailangang isakatuparan at isalin sa direktang aksyon.
“Tapos na ang summit at humupa na ang ingay, pero ang trabahong kasunod nito ay kasing-halaga rin ng ating pinagdaanan,” pahayag ni Recto.
Nagpasalamat din ang kalihim sa buong ASEAN NOC sa pangunguna nina Director-General for Operations Ma. Hellen B. Dela Vega, Undersecretary Leonardo Roy A. Cervantes, mga volunteer, at bawat Pilipinong nagtrabaho sa likod ng tabing para sa makasaysayang pagtitipon.
“Karangalan ng Pilipinas ang tagumpay na ito. At dapat bawat Pilipino ang makinabang sa bunga ng ating pagsisikap,” pagtatapos ni Recto.
