Pansamantalang nakalaya ngayong Sabado, Agosto 8, 2026, ang sampung miyembro ng “Maleta Boys” matapos na makapagpiyansa sa kanilang mga kinakaharap na kasong perjury.
Kinumpirma ng kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod na matagumpay na naiproseso ang piyansa ng kaniyang mga kliyente sa Las Piñas Regional Trial Court Branch 200.
Naaresto at nakulong sa Las Piñas City Police Station ang grupo nitong Biyernes matapos silang inisyuhan ng warrant of arrest kaugnay ng apat na counts ng perjury na may itinatakdang piyansa na P18,000 sa bawat kaso.
Tatlo sa kanilang mga kasamahan ang naunang nakapagpiyansa noong Biyernes habang ang isa naman ay umuwi sa kanilang lalawigan dahil sa pagpanaw ng kaniyang kapamilya.
Nag-ugat ang mga kasong perjury laban sa dating security personnel ni ex-Rep. Zaldy Co matapos mag-recant o bawiin ng apat sa kanilang grupo ang mga naunang pahayag na nag-uugnay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at iba pang opisyal ng gobyerno sa pambubulsa ng pondong nakalaan sa mga flood control project.
