Pinarangalan ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman Richard Gordon ang volunteer na si Paolo Guela para sa natatangi nitong kabayanihan sa mabilis na pagkontrol at paglalapat ng paunang lunas (first aid) sa biktima ng isang matinding aksidente sa kalsada.
Ayon kay Gordon, ginawa ni Guela ang pagtulong sa gitna ng madilim at peligrosong kalsada habang ang ibang mga miron ay nakatitig lamang.
Mas naging kahanga-hanga ang aksyon ni Guela dahil naganap ito habang siya ay pauwi mula sa kaniyang kabiguan nang bumagsak sa physical agility test ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Binigyang-diin ni Gordon na hindi ginamit ni Guela na dahilan ang personal na kabiguan upang mag-alinlangang sumagip ng buhay.
“Passion without compassion is nothing. Passion makes you want the title. Compassion is what makes you pull over in the dark… simply because someone needs help,” ayon sa PRC chief.
Iginiit ni Gordon na si Guela ang magandang ehemplo ng Red Cross 143 (RC143) program na naglalayong magkaroon ng nakahanda, matatapang, at trained volunteers sa bawat barangay para sa mga pang-araw-araw na aksidente.
Muling nanawagan ang pinuno ng PRC sa lahat ng volunteers na patuloy na isabuhay ang kusang-loob, malasakit, at kapwa-tao sa kanilang paglilingkod sa bayan.
