Idaraos ngayong Huwebes, Nobyembre 26, 2026, ang ika-15 OFW and Family Summit 2026 na inorganisa ng Villar Foundation sa The Tent at Vista Global South, C-5 Extension Road, Las Piñas City, simula alas-8:00 ng umaga na pinangungunahan ni dating Senadora Cynthia Villar, managing Director ng Villar Foundation
Layunin ng pagtitipon na mabigyan ng kaalaman at gabay ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya upang magkaroon ng pangmatagalang kabuhayan at mas matatag na kinabukasan sa sariling bayan.
Bitbit ng summit ang temang “Itaguyod ang Kabuhayang Pangmatagalan sa Sariling Bayan,” na nakatuon sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa pamumuhunan, mga napapanahong ideya sa negosyo at pagkakakitaan, gayundin sa mga programang susuporta sa mga pamilya ng OFWs.
BASAHIN: 6,000 non-teaching staff ng DepEd, dumagsa sa Baguio para sa 18th National Congress

Bilang bahagi ng programa, tampok din ang iba’t ibang livelihood showcase, pamimigay ng mga home appliance at livelihood package, gayundin ang raffle na may pagkakataong manalo ng bahay at lupa mula sa Camella Homes.
Bukas at LIBRE ang pagdalo para sa mga OFW at kanilang immediate family members, kabilang ang asawa, anak, magulang at kapatid.
Pinapayuhan naman ang mga interesadong dumalo na magparehistro sa pamamagitan ng OFW Summit online portal o sa mga itinalagang registration desk sa Vista Mall at Starmall branches sa buong bansa.
Kinakailangan ding magdala ng kahit isa sa mga dokumentong magpapatunay na OFW o kapamilya ng OFW ang dadalo, gaya ng pasaporte na may working visa, proof of remittance, seaman’s book, job contract o dokumentong magpapatunay ng relasyon sa OFW tulad ng marriage certificate at birth certificate.
Matapos magparehistro, hintayin ang kumpirmasyon sa pamamagitan ng email o mobile phone.
Inaasahang magsisilbing oportunidad ang pagtitipon upang matulungan ang mga OFW at kanilang pamilya na mapalago ang kanilang pinaghirapang ipon at makapagsimula ng sariling negosyo o pangmatagalang kabuhayan sa Pilipinas. (DEB)
