Nasa larawan: Ang 100-MLD Cardona Water Treatment Plant na kumukuha ng raw water mula sa gitnang bahagi ng Laguna Lake bilang dagdag na mapagkukunan ng tubig, bahagi ng estratehiya ng Manila Water para sa seguridad sa suplay ng tubig.
Todo-kayod na ang Manila Water sa pagpapalawak ng kanilang water supply system mula sa Laguna Lake upang masiguro ang tuloy-tuloy at 24/7 na daloy ng tubig sa East Zone, lalo na sa panahon ng matinding tagtuyot o El Niño.
Sa pamamagitan ng pagkuha ng tubig sa Laguna Lake, hindi na lang nakaasa ang kumpanya sa tradisyonal na Angat-Ipo-La Mesa system, bagay na malaking tulong kapag bumababa ang alokasyon ng tubig tuwing tag-init.
Sa kasalukuyan, umaarangkada na ang dalawang malaking pasilidad ng kumpanya—ang Cardona Water Treatment Plant sa Rizal na kayang mag-suplay ng hanggang 100 million liters per day (MLD), at ang East Bay Phase 1 Water Treatment Plant na nagbibigay naman ng dagdag na 50 MLD gamit ang mga makabagong teknolohiya tulad ng reverse osmosis upang matiyak na malinis at ligtas ang tubig.
Bukod dito, malapit na ring matapos ang East Bay Phase 2 Water Supply System Project sa Barangay Kabulusan, Pakil, Laguna na magdadagdag ng panibagong 200 MLD.
Kapag tuluyang umandar ang Phase 2, aabot na sa 350 MLD ang kabuuang kapasidad ng mga pasilidad ng Manila Water sa Laguna Lake—na magpapatatag sa suplay ng tubig para sa mga residente sa Pasig, Pateros, Taguig, at malaking bahagi ng lalawigan ng Rizal.
“Ang seguridad sa tubig ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng iba’t iba at matatag na mapagkukunan na kayang tumugon sa pabago-bagong panahon. Sa tulong ng mga pasilidad sa Cardona at East Bay, malaki ang papel ng Laguna Lake upang mapanatili ang 24/7 na serbisyo ng tubig, lalo na sa paghahanda natin sa mas matinding El Niño,” pahayag ni Manila Water Communication Affairs Department Head Dittie Galang.
Tiniyak ng kumpanya na magpapatuloy ang kanilang pamumuhunan sa mga bagong mapagkukunan ng tubig upang hindi maubusan at hindi mahirapan ang kanilang mga kostumer sa gitna ng pabago-bagong klima.
