Handang-handa na ang mga local government unit (LGU) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na labanan ang hagupit ng pagbabago ng klima matapos nilang makabuo ng mga kongkretong panukalang proyekto na maaaring pondohan ng People’s Survival Fund (PSF).
Pinangunahan ng Department of Finance (DOF), kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at development partners, ang tatlong araw na PSF Caravan – BARMM Leg nitong Nobyembre 4 hanggang 6, 2026 sa Lungsod ng Davao.
Layunin nitong ituro sa mga LGU ang tamang proseso sa pag-apply sa PSF at bigyan sila ng teknikal na tulong upang makagawa ng mga proyektong direktang tutugon sa mga problemang pangkalikasan sa kanilang mga lugar—gaya ng matinding tagtuyot at pagtaas ng tubig-dagat.
“Higit pa sa pagpapakilala ng pondo at proseso ng aplikasyon, nais naming magsilbi itong pagkakataon para makatanggap ng praktikal na gabay ang mga LGU at partner. Kailangan nating magtulungan upang makabuo ng makabuluhang climate adaptation projects na talagang maipapatupad,” ayon sa mensahe ni DOF Undersecretary Joven Balbosa na binasa ni Director John Narag.
Umabot sa 40 lokal na lider at kinatawan mula sa 19 na LGU sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Tawi-Tawi, Cotabato City, at Special Geographic Area (SGA) ang lumahok sa naturang pagsasanay.
Sa pamamagitan ng isang Project Ideation Workshop, natuto ang mga kalahok mula sa mga naunang aprubadong proyekto at agad na nakabuo ng sarili nilang konsepto na akma sa Bangsamoro Climate Change Framework.
Sa huling araw ng caravan, buong pagmamalaking iprinesenta ng mga LGU ang kanilang mga panukala sa harap ng mga eksperto mula sa DOF, Climate Change Commission (CCC), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Development Bank of the Philippines (DBP).
Naisakatuparan ang aktibidad sa tulong ng United Nations Development Programme (UNDP) sa ilalim ng SHIELD Programme na sinusuportahan ng gobyerno ng Australia, katuwang ang Consortium of Bangsamoro Civil Society (CBCS).
Tiniyak naman ng DOF at ng PSF Board Secretariat na patuloy nilang aalalayan ang mga LGU sa BARMM hanggang sa mapino ang kanilang mga Concept Note at tuluyang makapasa sa pamantayan ng National Adaptation Plan (NAP) para makakuha ng pangmatagalang pondo.
