Nagmistulang dagat ng mga kawani ng gobyerno ang Crown Legacy Hotel sa Baguio City matapos pormal na buksan kahapon ang ika-18 National Congress at Seminar-Workshop ng Department of Education-National Employees Union (DepEd-NEU).
Tinatayang nasa 6,000 non-teaching rank-and-file personnel mula sa Central, Regional, Division, District Offices, at mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang lumahok sa tatlong-araw na pagtitipon na may temang, “One NEU: Empowering Non-Teaching Personnel for Better Public Service.”
Sentro ng programa ang pagpapalakas sa karapatan, benepisyo, at papel ng mga non-teaching staff sa pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon, gayundin ang pagbuo ng kanilang 2027 National Advocacy and Action Agenda.
Sa kanyang State of the Union Address, iginiit ni DepEd-NEU President Atty. Domingo Alidon na dapat nang isama sa taunang General Appropriations Act (GAA) ang pondo para sa Collective Negotiation Agreement (CNA) Incentive imbes na iasa lang ito sa natitirang savings ng ahensya.
BASAHIN: TESDA, DepEd, at CHED, sanib-pwersa sa 1st ONE NCR Education Summit 2026
“Non-teaching personnel are the backbone of the Department and indispensable partners in delivering quality public service,” giit ni Alidon, sabay pangakong patuloy nilang ipaglalaban ang kapakanan ng kanilang mga miyembro habang sinusuportahan ang Quality Basic Education Development Plan (QEDP) at 5-Point Reform Agenda ng DepEd.
Mainit namang tinanggap ni DepEd-CAR Chief Administrative Officer Maksim Botilas ang mga delegado, habang nagbigay ng inspirasyon si DepEd SSDMO Director III Gideon Dy.
Ibinahagi rin ni DepEd-NEU NBOT Chairman Johnny Balawag ang keynote message ni Undersecretary Wilfredo Cabral, na nagbigay-diin na ang pagpapalakas sa mga kawani ay direktang nagpapaganda sa serbisyo para sa mga mag-aaral.
Bukod sa balita tungkol sa bagong ratipikadong CNA at dagdag-benepisyo, nagbigay rin ng lektura si Kaakbay ng Guro President Leonardo “Ka Lenny” Manalo tungkol sa pagkakaisa at Responsible Public Sector Unionism.
Hindi naman puro seryosong usapan ang naganap dahil tinapos ang unang araw sa masaya at makulay na “Da Boy and Da Girl” Pre-Pageant Selection na nagpatibay sa samahan ng mga delegado. (Arnold Pajaron Jr)
