Nagsama-sama ang Technical Education and Skills Development Authority–National Capital Region (TESDA NCR), Department of Education–NCR (DepEd NCR), at Commission on Higher Education–NCR (CHED NCR) sa ginanap na 1st ONE NCR Education Summit 2026 nitong November 5 sa Manila Hotel–Fiesta Pavilion.
Layunin ng summit na tipunin ang mga lider ng gobyerno, mga paaralan, kinatawan ng iba’t ibang industriya, at mga development partners para magtulungan at buuin ang isang mas maayos na sistema para sa edukasyon at trabaho sa rehiyon.
Sa temang “ONE NCR EDUCATION AGENDA: Strengthening DepEd–CHED–TESDA Convergence for Seamless Learning, Skills Development, and Lifelong Learning,” naging venue ang summit para talakayin ang mga pangunahing problema sa edukasyon at workforce, pati na ang pagbuo ng mga solusyon sa buong National Capital Region (NCR).
Ang summit ay nakabase sa patuloy na pagsisikap ng national government na pag-isahin ang mga polisiya at programa sa edukasyon sa pamamagitan ng Joint Education Trifocal Management Committee (JETMC), ang nagbibigay ng framework para sa koordinasyon ng DepEd, CHED, at TESDA.
Sa nasabing rehiyon, gustong tiyakin ng tatlong ahensya na may tuluy-tuloy na pathway ang mga estudyante mula basic education, papuntang technical-vocational education and training (TVET), hanggang sa paghahanap ng trabaho.
Dumalo sa kaganapan ang ilang mahahalagang bisita tulad nina Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Education Secretary Sonny M. Angara, TESDA Director General at Secretary Francisco “Kiko” B. Benitez, CHED Chairperson Dr. Shirley C. Agrupis, Murang Kuryente Party-list Representative Arthur Yap, at Valenzuela City Mayor Weslie “Wes” Gatchalian.
Kasama rin sa mga inimbita sina DepEd NCR Regional Director ASec. Jocelyn DR. Andaya, CHED NCR Regional Director Atty. Marco Cicero F. Domingo, Education and Workforce Development Group Executive Director ASec. Delfin Stephen D. Villafuerte, at TESDA NCR Regional Director Angelina M. Carreon. Naging bahagi rin ang mga leaders mula sa IBPAP, ECOP, mga lokal na pamahalaan, private companies, at mga grupo ng kabataan at estudyante.
Nakatutok ang mga talakayan sa pagtutugma ng tinuturo sa paaralan sa totoong kailangan ng mga industriya, pagpapalakas ng work-based learning, digital transformation, at ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa edukasyon.
Mahalaga ito para sa NCR, kung saan ang services sector ang nag-ambag ng 83.6% sa ekonomiya ng rehiyon noong 2025.
Ang pangunahing output ng summit ay ang pagbuo ng ONE NCR EDUCATION AGENDA—isang shared regional framework para sa mga priority actions at rekomendasyon ng mga stakeholders.
Sa tulong nito, mas magiging hinog at future-ready ang sistema ng edukasyon at skills training para matiyak na ang bawat estudyante sa NCR ay magkakaroon ng magandang oportunidad sa trabaho at pangkabuhayan. (ARNOLD PAJARON JR)
