BAGSAK sa kulungan ang isang teller matapos salakayin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lotto outlet na ginagawa palang front sa iligal na sugal nitong Miyerkules, Nobyembre 4.
Bitbit ang surveillance report, sumugod ang pinagsanib na puwersa ng PCSO at NBI Fraud and Financial Crimes Division (NBI-FFCD) sa pamumuno ni Chief Palmer U. Mallari sa puwesto ng naturang outlet sa Block 1, Lot 7, Camarin Road, Almar, Caloocan City.
Ayon sa ulat, nabulilyaso ang raket sa ikinasang test-buy operation kung saan nadiskubreng nag-iisyu ang outlet personnel ng pekeng tiket na hindi opisyal na inilabas ng PCSO terminal, bukod pa sa pagtanggap ng pusta sa pamamagitan ng GCash.
Agad na inaresto ang teller matapos ang matagumpay na operasyon.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang ₱5,000 pusta, isang pekeng tiket, at cellphone na konektado sa point-of-sale o POS. Binitbit din ng mga operatiba ang buong lotto terminal hardware kabilang ang A10 PC monitor, central display unit (CDU), optical scanner, handheld barcode scanner, printer, at modem.
Kabilang pa sa mga nasamsam ang 25 rolyo ng thermal receipt paper, pitong kahon ng ticket rolls para sa mga draw ng 3D Lotto, Grand Lotto 6/55, Super Lotto 6/49, at 6D Lotto, dalawang agent’s settlement form, at abstract ng mga bayad at kinanselang tiket.
Mariin namang nagbabala si PCSO General Manager Melquiades A. Robles sa mga lisensyadong agent na ginagamit ang ahensya sa iligal na operasyon.
“Mahigpit ang zero-tolerance policy ng PCSO sa iligal na sugal at panloloko. Ang bawat pisong pusta sa lehitimong laro ng PCSO ay diretso sa mga programang pangkalusugan, medikal, at kawanggawa para sa mga kababayan natin. Ang mga nagpapataya nang peke ay direktang nagkakait sa publiko ng mga tulong na ito,” pahayag ni Robles.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PCSO sa NBI upang mas higit pang higpitan ang pagbabantay sa mga outlet sa buong bansa. Hinimok din ng ahensya ang publiko na tumaya lamang sa mga opisyal na terminal at isumbong ang mga pasaway na gumagamit ng mga alternatibong payment app o nagbibigay ng kaduda-dudang resibo.
