Hindi makakadalo si Chinese President Xi Jinping sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na iho-host ng Pilipinas ngayong buwan.
Sa halip, si Chinese Premier Li Qiang ang magiging kinatawan ng Beijing sa gaganaping regional summit.
Sa isang statement, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na inaabangan na ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pagtanggap at pag-welcome kay Premier Li sa Maynila para sa summit.
Inabot ni Lazaro ang imbitasyon ni Marcos sa Chinese premier sa pamamagitan ng isang phone call kay Chinese Foreign Minister Wang Yi noong November 3.
Ayon pa sa DFA, inaasahan naman ng China ang pagdalo ni President Marcos sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na gaganapin naman sa Shenzhen.
Ipinahayag din ni Foreign Minister Wang ang pananabik ng Beijing sa pakikilahok ng pangulo ng Pilipinas sa 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting.
Tiniyak naman ng parehong opisyal ng DFA at ng China na makakatanggap ang kani-kanilang mga lider ng nararapat na paggalang, courtesy, at tulong sa mga darating na aktibidad.
