Nagkaisa ang iba’t ibang progresibong grupo at pambansang organisasyon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) upang ipahayag ang kanilang matinding pagtutol sa nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa bansa para sa ASEAN Summit ngayong Nobyembre 16 hanggang 17.
Sa ginanap na press conference, inihayag ni BAYAN Chairperson Teddy Casiño ang paglulunsad ng “12 Days of Protest” sa ilalim ng panawagang “Trump Out”.
Magkakaroon ng serye ng mga martsa, picket, forum, protest camp, at malalaking rally mula Nobyembre 16 hanggang 17 upang kondenahin ang panghihimasok ng Estados Unidos at ang mga agresibong patakarang pandigma nito sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kabilang sa mga pangunahing isyung ipinaglalaban ng mga grupo ang pagtutol sa Pax Silicon Economic Security Zone sa Capas, Tarlac at ang Luzon Economic Corridor.
Ayon sa mga kinatawan ng katutubo, magsasaka, at sektor ng kalusugan, ang naturang proyekto ay nagbabantang magpalayas sa libo-libong Aeta at magsasaka sa kanilang lupang ninuno, magdulot ng matinding pinsala sa kalikasan, at maglagay sa panganib sa kalusugan ng mga manggagawa dahil sa mga nakalalasong kemikal sa paggawa ng semiconductor.
Binigyang-diin din ng mga lider-manggagawa, kabataan, at akademiko na ang Pax Silicon ay hindi para sa kaunlaran ng Pilipinas kundi para sa supply chain ng mga kagamitang pandigma at teknolohiyang Artificial Intelligence (AI) ng US.
Kasama rin sa mga binatikos ng mga tagapagsalita ang epekto ng mga digmaang sinusulong ng US sa Middle East, tulad ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin na lalong nagpapahirap sa mga Pilipino.
Nakiisa rin sa pahayag ang mga kinatawan mula sa sektor ng edukasyon at kalusugan, kabilang ang PUP Rise for Education Alliance, na pumuna sa pagbibigay ng pondo at pansin sa mga dayuhang proyekto habang kinakaharap ng mga lokal na pamantasan at pampublikong pasilidad ang malalaking budget cut.
Inaasahang daragsa ang libo-libong mamamayan mula sa Timog Katagalugan, Gitnang Luzon, at Metro Manila para sa malawakang lakbayan at kilos-protesta, habang maglulunsad din ng mga katulad na solidarity action ang mga migranteng Pilipino at allied groups sa higit 14 na bansa sa ibayong dagat.
