Pumalo na sa anim ang pormal na naitalang nasawi habang mahigit 261,000 indibidwal ang nasalanta sa pinagsamang epekto ng Tropical Depressions Luis at Maymay, kasabay ng pinaigting na hanging Habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Sabado, Agosto 8, 2026.”
Kabilang sa mga naitalang pumanaw ang dalawang nabaon sa landslide sa Benguet, dalawa sa rockslide sa Rodriguez, Rizal, at dalawa sa La Union dahil sa pagkalunod at electrocution.
Umabot sa 261,048 katao (74,755 pamilya) ang apektado mula sa walong rehiyon sa Luzon at Visayas-Mindanao, kung saan libu-libong pamilya ang kasalukuyan pa ring nananatili sa 83 evacuation centers.
Umakyat na rin sa P105.5 milyon ang tinatayang pinsala sa mga imprastraktura habang P3.53 milyon naman sa sektor ng agrikultura at 120 kabahayan ang nasira.
Samantala, namigay na ang pamahalaan ng mahigit P7.38 milyong halaga ng relief assistance para sa mga pamilyang nasalanta ng patuloy na pag-ulan at pagbaha.
