Sinabi ni Comelec Chair George Garcia na nakatutok na ang poll body sa 2026 BSKE. (Arsenio Tan)
Matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang legalidad ng Republic Act 12232, tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na nakatuon na ngayon ang kanilang ahensya sa paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, napapanahon ang desisyon ng Korte Suprema dahil magbibigay ito ng malinaw na direksyon sa kanilang paghahanda.
“Sana ito na ang tuluyang magpatigil sa walang katapusang espekulasyon tungkol sa BSKE. Ngayon na nagsalita na ang Korte Suprema, makakapagpokus na kami sa aming mga timeline at preparasyon,” ani Garcia.
Bago ito, ibinasura ng Korte Suprema ang pinagsamang mga petisyon na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng batas na nagtakda ng bagong iskedyul ng barangay at SK elections.
Sa kanilang desisyon, pinagtibay ng hukuman na lehitimo ang RA 12232, na tinawag nitong isang “term-setting law” — nagtatakda ng apat na taong termino para sa mga opisyal ng barangay at SK at nagbabawal sa tuloy-tuloy na termino.
“Hindi ito batas na nagpapaliban ng halalan. Ang pagbabago ng iskedyul ay incidental lamang,” ayon sa Korte Suprema.
Dahil dito, sinabi ng Comelec na sisimulan na nila ang pagsasaayos ng voters’ list, pagbuo ng election calendar, at iba pang paghahanda para sa maayos na halalan sa 2026. (Arsenio Tan)
